Patay ang isang mag-asawa, na patungo lamang sana sa pagamutan upang magpa-dialysis, matapos silang pagbabarilin ng isang motorcycle rider habang lulan sa isang tricycle sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Sugatan din ang tricycle driver, na tinamaan naman ng ligaw na bala sa insidente, ayon sa pulisya.

Kinilala ang mga nasawi na si Kenneth Yu, 34; at misis niyang si Ma. Luisa, 35, kapwa residente ng 1759 J. Abad Santos Street, Tondo.

Sugatan din sa insidente ang driver ng kanilang sinasakyang tricycle na si Jerome Buan, 19, ng 1683 A. Rivera St.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Batay sa imbestigasyon ni SPO2 John Charles Duran, nangyari ang insidente dakong 5:00 ng umaga, sa harapan ng Eastwest Bank sa kanto ng Jose Abad Santos at Tayuman Streets sa Tondo.

Lulan ang mag-asawa sa tricycle ni Buan at patungo sana sa Chinese General Hospital upang magpa-dialysis si Kenneth nang bigla na lang silang sabayan at ratratin ng hindi nakilalang suspek na nakasakay sa hindi naplakahang motorsiklo.

Kahit naman may tama ng bala sa braso ay nagawa ni Buan na makatakbo sa A. Rivera Street upang humingi ng tulong.

Ayon kay Duran, inaalam nila kung may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen dahil batay sa nakalap nilang impormasyon ay dating asset ng pulis si Ma.Luisa. (Mary Santiago)