Hinihiling ng isang kongresista na ipatigil ng gobyerno ang land conversion o paggamit ng mahahalagang lupang agrikultural para gawing subdivision at pabahay.
Sinabi ni Rep. Fernando L. Hicap (Party-list, Anakpawis) na ang land use conversion ay malaking banta sa seguridad ng pagkain sa bansa dahil patuloy na mababawasan ang sukat o laki ng lupain na dapat tamnan ng palay at iba pang pananim.
Ayon sa kanya, noong 1991 at 2002 ay biglang bumaba ang kabuuang pambansang ektarya ng mga lupain na taniman ng palay at naging 304,078 ektarya na lamang.
“In Cavite alone, from 1983 to 1989, the number of hectares of rice lands decreased from 14,710 to 12,800,” diin ni Hicap.
Binanggit niya ang malalawak na bukirin natatamnan ng palay na dating nakalinya sa highway patungong Central Luzon at Southern Luzon, na ngayon ay halos wala na sa loob lamang ng apat na taon (1990–1994).
Batay aniya sa report ng National Statistics Office (NSO), mahigit sa 800,000 ektarya ng lupain ay nai-convert na sa ibang mga layunin, gaya ng subdivision, pabahay at mga gusali sapul noong 1972. (Bert de Guzman)