April 13, 2026

Home BALITA Metro

Lalaking umakyat sa tuktok ng LRT-2 Antipolo Station, na-rescue na!

Lalaking umakyat sa tuktok ng LRT-2 Antipolo Station, na-rescue na!
photo courtesy: Jun-Andeng Ynares/Facebook

Ligtas na na-rescue ang isang lalaking umakyat sa tuktok ng LRT-2 Antipolo Station, ayon kay Antipolo City Mayor Jun Ynares nitong Huwebes, Marso 5.

Sa kaniyang social media post bandang alas-8 ng gabi, ibinahagi niyang ligtas ang lalaki at pinatingnan nila agad sa mga doktor. 

Pahayag ni Ynares, taga-Manggahan, Pasig City ang lalaki at dating nakulong sa Muntinlupa dahil sa isang krimen na hindi umano ginawa ng lalaki. 

"Ayon sa kwento ng lalaki, siya ay taga Manggahan, Pasig at dati raw siyang nakulong sa Muntinlupa dahil sa isang krimeng—ayon sa kanya— ay hindi niya ginawa. Nakalaya man, dahil sa record na ito, ay nahirapan siyang makapagsimulang muli," saad ng alkalde. "Tunay na hindi mo talaga basta masasabi kung gaano kabigat ang dinadala ng isang tao."

"Ayon sa pamilya, may mental health condition po ang lalaki. Kasalukuyang kapiling na po niya ang kaniyang pamilya," dagdag pa niya. 

Metro

Nasunog na landfill sa Navotas, 'di pagmamay-ari ng LGU—CDRRMO

Itinurnover na rin ng awtoridad ang lalaki sa lokal na pamahalaan ng Pasig City para sa iba pang mga interventions and monitoring.

Nagpasalamat din si Ynares sa mga kumilos at nagbigay-suporta sa pag-rescue sa lalaki. 

"Maraming salamat sa lahat ng mga kumilos at nagbigay ng suporta—Antipolo City DRRMO, Pasig City DRRMO, Quezon City DRRMO, BFP, OPSS, PNP, at Barangay Mayamot. Dahil sa inyo, ligtas nating nailayo si kuya sa kapahamakan," aniya.

Paalala pa niya: " Ingatan po natin ang ating MENTAL HEALTH."

---

Kung mayroong senyales na pinagdaraanan sa mental health at nangangailangan ng tulong ay maaaring tumawag sa National Center for Mental Health (NCMH) hotline sa 1553 o makipag-ugnayan sa opisyal na Facebook page ng ahensiya para sa appointment.