May pagdududa sa kahandaan ng Philippine boxing team. Ngunit, kung pagbabasehan ang kampanya ng Pinoy boxers sa kasalukuyang Olympics qualifying – AOB Asian-Oceania Qualifying event – sa Jiujiang Sports Center sa Quian’an, China mali ang sapantaha ng kritiko.
Matikas ang pakikihamok nina lightweight Rogen Ladon, bantamweight Mario Fernandez, lightweight Charly Suarez at welterweight Eumir Felix Marcial para makausad sa semi-finals ng kani-kanilang weight division Martes ng gabi ditto.
Ginapi ni Fernandez, Singapore SEA Games champion, si Mohammad Alwadi ng Jordan sa unanimous decision para pangunahan ang biyahe ng Pinoy sa minimithing Olympic berth sa Rio, Brazil sa Agosto.
Kumikig naman so Ladon kontra Al-Kaabi Hasan Ali Shakir ng Iraq sa parehong unanimous decision, habang umusad si Suarez sa panalo kontra Rangi Deeray ng India.
Tinuldukan ni Marcial, isa ring Sea Games gold medalist, ang ratsada ng Pinoy sa magaan na panalo laban kay Kazemzadehposhtiri ng Iran.
May dalawang pagkakataon ang apat na fighter para makasikwat ng Olympic slots – makalaro sa championship round o manalo sa bronze medal match.
Batay sa regulasyon ng torneo, ang tatlong medalist ang uusad sa Rio Olympics.
Kinapos si Nesthy Petecio, tanging babae sa six-man Philippine delegation, nang mabigo sa kanyang laban sa quarterfinals ng flyweight class kontra mary Kom ng India.
Makakasagupa ni Ladon, No.1 seed at bronze medalist sa 2015 Doha World Championships, sa semifinals si Devendro Singh Laishram ng India habang makakatapat ng back-to-back SEA Games gold medalist na si Fernandez ang karibal na si Chatchai Butdee ng Thailand.
Tatargetin naman ni Suarez, Incheon Asian Games silver medalist, ang gold medal round kontra seeded no. 3 na si Jun Shan ng China habang ang dating world junior gold medalist at umakyat na sa 69kg bilang No.1 seed na si Marcial ay sasagupa kontra kay Shakhram Giyasov ng Uzbekistan. (ANGIE OREDO)