Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

8 n.u. -- NU vs. UST (m)

10 n.u. -- UP vs. FEU (m)

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

2 n.h. -- FEU vs. UST (w)

4 n.h. -- NU vs. UP (w)

Makalapit tungo sa inaasam na semifinals berth ang tatangkain ng University of the Philippines habang patuloy na buhayin ang tsansa sa ikaapat at huling Final Four slot ang kapwa hangad ng Far Eastern University, University of Santo Tomas at National University sa pagbabalik ng aksiyon sa UAAP Season 78 women’s volleyball tournament.

Nakatakdang sumabak ang apat na koponan sa tampok na dalawang women’s match ngayong hapon kung saan magtutuos ang Lady Tamaraws at Tigresses sa unang laro sa ganap na 2:00 at magkakasubukan ang Lady Bulldogs at ang Lady Maroons sa huling laro ganap na 4:00 ng hapon.

Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto kasunod ng mga nauna nang semifinalists Ateneo at La Salle ang UP hawak ang barahang 7-4, sinusundan ng FEU na may kartang 6-5 at ang nasa likuran nito ang UST at NU na may barahang 5-6.

Sa apat na koponan, kapwa nasa “must win situation” ang Tigresses at ang Lady Bulldogs, dahil isang talo pa nila ay maglalagay na sa kanila sa alanganin para sa labanan sa huling Final Four slot.

Magpapakatatag naman ang Lady Maroons sa kanilang kinalalagyan gayundin ang Lady Tamaraws.

Ngunit, para kay UP coach Jerry Yee, ayaw niyang bigyan ng pressure ang kanyang mga player na pawang mga baguhan.

“We’re not thinking about that (Final Four). As much as possible ‘yung focus ng mga bata, I’m trying to divert it sa mga skills na kailangan namin to be able compete for the next round,” ayon kay Yee.

“Ayoko ng mga predictions and thinking ahead of things. Mahirap pa rin siyempre kasi we have three games left and we have to win two out of three,” aniya.

Bukod sa semis berth, possible pa rin silang makahabol sa top two spot na may kaakibat na twice-to-beat advantage.

Para naman sa Lady Tams, napakahalaga ng susunod na tatlong laro para lumaki ang kanilang tsansa.

“Sobrang importante ang next three games. Hopefully magawa namin at naniniwala kami sa mga bata na makaka-survive kami. Hindi na kami puwedeng matalo pa,” ani FEU coach Shaq Delos Santos.