Umabot sa 20 pasahero ang nasugatan matapos na magkasalpukan ang dalawang pampasaherong bus sa EDSA-Muñoz sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Base sa report ni Supt. Richie Claraval, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), nakilala ang anim sa 20 nasugatan na sina Rodrigo Pimentel, 36; Jeanet Bartedo, 24; Mark Anthony Radasa, 20; Gino Rodrigo, 42; Maryjane Manzano, 20; at Almeda Bartolome, 55 anyos.
Ang mga biktima ay isinugod sa Quezon City General Hospital, ayon sa pulisya.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Traffic Sector 6 na dakong 4:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa EDSA-Muñoz.
Binabaybay ng Admiral bus (AAN-1510) ang EDSA northbound patungong Balintawak at pagsapit sa Congressional Avenue ay bigla na lang sumulpot ang Sta. Rita Transport bus (WIC-529) at sinalpok ang una.
Sa lakas ng pagkakabangga ng Sta. Rita Transport sa Admiral Bus ay bumalandra pa ito sa poste ng Meralco sa lugar, na nagresulta sa pagkakasugat ng mga pasahero ng dalawang bus.
Nabatid sa rumespondeng mga traffic enforcer na mabilis na tumalilis ang driver at konduktor ng nagsalpukang bus kaya ang mga operator nito ang inimbitahan ng pulisya upang maimbestigahan. (Jun Fabon)