Itinala nina Charly Suarez at Nesthy Petecio ang dominanteng panalo upang panatilihing perpekto ang kampanya ng Pilipinas sa inaasam na silya sa 2016 Rio Olympics sa ginaganap na 2016 AOB Asian / Oceanian Qualification Event sa Tangshan Jiujiang Sport Center sa Quian’an, China.

Dinomina ni Suarez, 2014 Incheon Asian Games silver medalist mula Davao City, ang unang kampanya sa men’s lightweight (60kg) kontra Chu-En Lai ng Taipei, 3-0, para umabante sa quarterfinals. Nakakuha ng bye ang 24-anyos na si Suarez sa first round.

Binigyan si Suarez ng parehong 30-26 iskor ng limang hurado mula sa Russia, Sri Lanka at Cuba upang sundan ang kakampi na si Flyweight Roldan Boncales Jr. sa paglapit sa pinakakaasam na silya para makatuntong sa prestihiyosong Rio Olympics sa Agosto 5-21.

Hindi naman nagpaiwan sa women’s flyweight (48-51kg) si Petecio matapos gapiin ang Fil-Micronesia na si Jennifer Chieng, 3-0.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakolekta ni Petecio ang 40-36 na iskor sa mga hurado mula sa Hungary at Great Britain habang 40-35 naman mula sa Uzbekistan.

Nakatakda namang sumabak si Boncales Jr. ganap na 2:00 ng hapon kontra kay Olzhas Sattibayev ng Kazakhstan asam ang ikalawang panalo na magtutulak dito sa krusyal na quarterfinal round.

Sasagupa din sa men’s light fly (46-49kg) ang tinanghal na Doha World Championships Best Boxer at seeded no.1 si Rogen Ladon kontra Tosho Kashiwasaki ng Japan.

Sunod na sasabak sa men’s welter (69kg) ang seeded no. 1 din na si Eumir Felix Marcial Delos Santos na haharap kay Istafanos Kori ng Australia.  

Huling sasagupa para sa Pilipinas ang pambatao sa men’s bantam (56kg) na si SEA Games gold medalist Mario Fernandez na makakalaban si Yakub Meredov ng Turkmenistan. (Angie Oredo)