Hiniling ng prosekusyon sa Sandiganbayan First Division na suspendihin ang isang regional director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at dalawang tauhan nito na kinasuhan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa maanomalyang rehabilitation project na nagkakahalaga ng P1 milyon noong 2003.

Isinumite ng prosekusyon ang mosyon na humihiling na suspendihin si DENR Regional Office 1 Director Joel Salvador at dalawang tauhan nito na sina Perlita Mauri at Rolando Reyes, na kinasuhan sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at Illegal Use of Public Funds.

Pinaalalahanan ng mga state lawyer na nakasaad sa Section 13 ng RA 3019: “Any incumbent public officer against whom any criminal prosecution under a valid information under this Act or under Title 7, Book II of the Revised Penal Code or for any offense involving fraud upon government or public funds or property…is pending in court, shall be suspended from office.”

Inakusahan ang tatlo sa umano’y ilegal na paggamit ng pondo ng bayan na nagkakahalaga ng P1,114,771.34, para sa rehabilitasyon ng Regional Directors’ Office and Environmental Information Center noong 2003.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ng Office of the Ombudsman na nakasaad sa batas na tanging sa pagpapatupad ng Ecological Waste Management Project at maintenance and operating expense lamang maaaring gastusin ang naturang pondo.

Bukod dito, ipinamalas din ni Salvador ang kanyang pagpabor sa dalawang kontratista nang ipagkaloob niya ang kontrata sa rehabilitasyon ng naturang tanggapan nang hindi dumaan sa public bidding.

Hindi rin, aniya, nai-deliver ang mga construction material bagamat nabayaran na si Mario Ang, may-ari ng Pyramid Hardware and Construction Supplies, ng P758,998.07, ayon pa sa Ombudsman.

Binayaran din ang kontratistang si David Domingo ng P33,779.14 bilang retention fee sa kabila ng maraming depekto sa proyekto. (Jeffrey G. Damicog)