Naungusan ng Ateneo de Manila ang University of the East, 3-2, para makasalo sa ika-apat na puwesto sa pagpapatuloy ng UAAP Season 78 men’s football tournament nitong Biyernes sa Moro Lorenzo Field.
Nagtala ng goal si Julian Roxas sa pamamagitan ng isang header mula sa free kick ni Mikko Mabanag sa ika-84 minuto upang maisalba ang Blue Eagles at simulan ang kanilang second round campaign sa pamamagitan ng panalo.
“Doon talaga kilala at binabantayan ang Ateneo, sa set piece talaga. Doon kami may advantage,” ayon kay coach JP Merida.
“Kahit mahigpit ang depensa nila sa set piece, hindi sumusuko basta-basta ang mga player,” aniya.
Nakatagal ang Blue Eagles at nakamit ang asam na tatlong puntos sa kabila ng hindi paglalaro nina Luisito Clavano, Jeremiah Rocha at rookie Jarvey Gayoso sanhi ng natipon nilang yellow cards.
Sa isa pang laban, nagtala ng apat na goal si Paolo Salenga para pangunahan ang National University sa pagbokya sa Adamson, 7-0.
Dalawang beses na nakapuntos si Salenga sa unang 15 minuto ng laro bago sinuportahan ni Marole Bungay para sa kanilang unang tatlong goal.
Kasunod nito, umiskor ulit si Salenga sa ik-58 at ika-64 minuto upang agawin kay Far Eastern University rookie Rico Andes ang pamumuno bilang league-leading scorer.
Ang dalawa pang naka-goal para sa Bulldogs ay sina Lawrence Colina (65th) at Patrick Valenzuela (67th).
Dahil sa kanilang panalo, tumabla ang NU at Ateneo sa last season’s runner-up University of the Philippines na mayroong 12 puntos, ngunit nakakalamang ang Bulldogs sa goal difference. (Marivic Awitan)