Tatlong lalaki ang bumagsak sa kamay ng awtoridad sa isinagawang “One Time, Big Time Operation” laban sa loose firearms sa magkakahiwalay na insidente sa Taguig at Makati City, nitong Biyernes.

Ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD), nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Comprehensive Law of Firearms and Ammunition, at Omnibus Election Code sina Gilbert Acena at Joanalyn Alawin matapos silang dakpin ng mga tauhan ng Taguig City Police sa Barangay North Signal.

Nakumpiska sa dalawang suspek ang isang sumpak na may dalawang bala ng .9 mm pistol, at tatlong plastic sachet ng shabu.

Samantala, nakakulong na sa detention cell ng Makati City Police ang suspek na si Xavier Villa Abrille, 41, residente ng 36 Cagayan de Oro Street, Alabang Hills, Alabang, Muntinlupa City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dakong 8:20 ng gabi nang arestuhin ng mga pulis si Abrille sa 1963 Kasoy Street, Dasmariñas Village, at narekober sa kanyang pag-iingat ang isang calibre .22 magnum revolver na may tatlong bala at dalawang basyo.

Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Law of Firearms and Ammunitions sa Makati Prosecutor’s Office. (Bella Gamotea)