Dahil sa mga umano’y butas sa anti-money laundering law sa bansa, dapat lang na muling amyendahan ito upang maikonsidera na rito ang operasyon ng mga casino na ginagamit na “front” ng mga sindikato upang maitago ang kanilang nakulimbat na bilyun-bilyong piso.
Ito ang puntirya ni Nationalist People’s Coalition (NPC) senatorial candidate Rep. Win Gatchalian sakaling palarin siyang mahalal sa Senado sa eleksiyon sa Mayo 9.
“Amending the AMLA is long overdue. I fully agree that casinos and related businesses should be included in the list of covered institutions that would have to report suspicious transactions to the Anti-Money Laundering Council,” ani Gatchalian, vice chairman ng House Committee on Metro Manila Development.
Ikinalungkot ni Gatchalian na hindi kabilang ang casino operations sa nasa monitoring ng Anti-Money Laundering Council bagamat naging paboritong “front” na ito ng mga sindikato upang maikubli sa gobyerno at sa publiko ang kanilang ninakaw na yaman.
Aniya, hindi dapat magtagumpay ang $81-million money laundering operation na tinangay mula sa Bank of Bangladesh kung naisama na ang mga casino sa probisyon ng Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Bagamat may prangkisa ng Philippine Gaming Corporation (PAGCOR), ang mga casino sa Solaire at City of Dreams sa Pasay City ay iniugnay kamakailan sa money laundering operations. (Ben Rosario)