OAKLAND, California -- Kakaibang lakas ang naidudulot ng hiyawan ng home crowd sa katauhan ng Warriors.

At sa ika-28 sunod na laro sa kanilang tahanan sa Oracle Arena, nanatiling matatag ang Warriors matapos idiskaril ang Utah Jazz, 115-94, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Kumana lamang ng 12 puntos si Stephen Curry, ngunit ang naisalpak niyang 55-footer sa halftime buzzer ay indikasyon na walang puwedeng dumungis sa kanilang dangal. Kasama ang regular-season sa nakalipas na taon, nahila ng Golden States ang winning streak sa 46.

Nanguna si Klay Thompson sa 23 puntos, habang kumana si Draymond Green ng 17 puntos, pitong rebound at limang assist para sa Golden State (57-6).

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Hinahabol ng Warriors ang NBA record na 72-10 sa regular season ng 1998 Chicago Bulls.

THUNDER 120, CLIPPERS 108

Sa Oklahoma City, hataw si Russell Westbrook sa natipang 25 puntos, career-high 20 assist at 11 rebound para gabayan ang Thunder kontra Los Angeles Clippers.

Batay sa datos ng NBA, ito ang kauna-unahang triple-double na may 20 puntos at 20 assist mula nang maitala ni Rod Strickland ng Washington Wizards noong 1998.

Sa kabuuan, ito ang ika-30 career triple-double ni Westbrook at ika-11 ngayong season.

Ratsada rin si Kevin Durant sa 30 puntos at 12 rebound habang kumana si Serge Ibaka ng 15 puntos.

Kumubra si Jeff Green ng 23 puntos para sa Clippers, habang nagtumpok sina J.J. Redick ng 22 puntos at Chris Paul na may 12 puntos at 16 assist.

CELTICS 116, GRIZZLIES 96

Sa Boston, nahila ng Celtics ang home-game winning streak sa 14 matapos magwagi sa Memphis Grizzlies.

Nanguna si Isaiah Thomas sa Celts sa nakubrang 22 puntos para sa rumaratsadang Boston na umarya sa No.3 mula sa dating No. 9 spot sa Eastern Conference.

Tumipa si JaMychal Green ng 17 puntos at 13 rebound para sa Grizzlies.

Sa iba pang laro, ginapi ng Houston Rockets ang Philadelphia 76ers, pinabagsak ng Charlotte Hornets ang New Orleans Pelicans, 122-113.