Tatlong estudyante ang inararo ng isang van sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng gabi habang naghihintay ng masasakyan pauwi, na ikinamatay ng isa.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Faye Nikka Bautista, dalaga, residente ng 1071 Batangas Street, Tondo ngunit namatay din bunsod ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Ginagamot naman sa nasabing ospital sina Erica May Gabriel, 21, ng 1356 Lardizabal Street, Sampaloc, Manilla, at Joseph Ocol, 22, ng 1065 Batangas Street, Tondo, dahil sa mga sugat sa katawan.

Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damaged to property ang driver ng Mitsubishi Canter van na si Michael Enriquez.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Batay sa report ni SPO2 Bert Francisco ng Manila Traffic Bureau, naganap ang insidente dakong 11:00 ng gabi sa Honorio Lopez Boulevard malapit sa panulukan ng Dalaga Street, sa Gagalangin, Tondo.

Ayon sa imbestigador, mabilis ang pagpapatakbo ni Enriquez sa van nang mawalan ito ng kontrol sa manibela at nasagasaan ang mga biktima na nakatayo sa gilid ng kalsada.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon si Bautista at tumama sa isang trailer truck na nakaparada sa lugar.

(Mary Ann Santiago)