Inaprubahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasagawa ng ikalawang “Kalye Share” sa Commonwealth Avenue, sa Quezon City ngayong Linggo.

Ang “Kalye Share” ay isang event na nagsusulong ng road sharing scheme sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Inoorganisa ito ng Bayanihan sa Daan Movement, isang grupo ng road sharing advocates mula sa pribadong sektor at ilang non-government organization.

Isasagawa ang programa sa 6.6 km ng Commonwealth Avenue northbound mula sa Quezon City Memorial Circle hanggang sa Sandiganbayan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sampung lane ang gagamitin para sa event na magsisimula ng 6:00 ng umaga hanggang tanghali; tatlong lane ang ilalaan sa mga pribadong sasakyan, isa para sa motorsiklo, isa express lane para sa mga bus at jeepney, isa loading lane para sa mga bus, isa loading lane para sa mga jeepney, isa bike lane at isa pedestrian lane.

Nagpahayag si MMDA Chairman Emerson Carlos ng buong suporta sa nasabing inisyatiba.

“The MMDA supports the road sharing and we want to impart to the public that through this, we want to move people, not necessarily vehicles and we can share the road,” sabi ni Carlos sa mamamahayag.

Ibinahagi ni Carlos na magtatalaga ang ahensiya ng 100 traffic enforcer para bantayan ang trapiko sa lugar, idinagdag na pahihintulutan din ng MMDA ang libreng pagpapahiram ng 60 bisikleta para magamit ng publiko.

Sinabi ni Carlos na binabalak din nilang ipatupad ang aktibidad sa iba pang mga pangunahing kalsada gaya ng EDSA at Ortigas Avenue. (PNA)