BINIRA ni PNoy si Sen. Bongbong Marcos sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolt. Hindi raw dapat iboto si Bongbong, anak ng diktador, sapagkat hanggang ngayon ay hindi humihingi ng patawad sa pagkakasala ng ama. Delikado raw na kapag nalagay sa puwesto, posibleng magdeklara uli ng martial law, tulad ng ama. Ganti ni Bongbong: “PNoy is sowing disunity and selective justice at the expense of his political enemies.”

***

May apat sa 10 Pinoy o 39 porsiyento ang nagsabing baka magkaroon ng dayaan sa halalan sa Mayo 9. May 48% naman ang naniniwalang magiging malinis at kapani-paniwala ito. Kalabit ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Ano kaya ang magiging papel ng PCOS machines dito? Gagawa kaya ito ng hokus-pokus?” Nosibalasi?

Batay sa Pulse Asia survey, ang malaking dayaan ay magaganap sa Mindanao (56%), kasunod sa Visayas (42%), Luzon (31%), at Metro Manila (29%). May 65% ng respondents ang nagsabing ang pangunahing pandaraya ay vote-buying, pangalawa ay “tampering of the precinct count optical scan (PCOS) machines”.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May binanggit pang mga porma ng pandaraya at kung anu-anong taktika, tulad ng tatlong G (gold, guns and goons), pero sumabad si Tata Berto na may isa pa raw G, at ito ay girls. Mayor Rodrigo Duterte, ano ang masasabi mo rito?

***

Kung bukas ang kaisipan ni Sen. Grace Poe tungkol sa pagpapahintulot na mailibing si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng Mga Bayani, kontra naman si LP vice presidential candidate Leni Robredo na roon mailibing ang yumaong diktador. Naniniwala si Ma’am Leni na hindi “deserving” na mailibing si Apo Macoy sa sementeryo ng mga bayani sapagkat sa pangalan pa lang nito, hindi na siya karapat-dapat na maihimlay roon. Ano ang say ninyo?

“Hindi ako sang-ayon dito sapagkat tanging mga karapat-dapat (deserving) ang dapat maihimlay rito—mga Pilipino na nag-ambag sa bayan at mga role model sa bawat isa sa atin,” pahayag ni Robredo sa mga reporter sa Bulacan. Ewan ko lang kung totoo ang narinig ko noon na isang aso raw ang inihimlay sa nasabing libingan.

***

Paborito rin si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa mga college at university campus. Gusto siya ng mga estudyante na kabilang sa tinatawag na millenials. Sinabi ni Madam Miriam na kung lahat ng estudyante ay boboto sa kanya, pati na ang mga magulang, kaanak at kaibigan, “I will be the next president of the Philippines.”

Sa mga survey sa mga campus, nangunguna si MDS sa University of Asia and the Pacific (43.2%), sa Letran Calamba (58.8%), sa Holy Angel University sa Pampanga (40%). Number One rin ang Tigre ng Senado sa mga survey sa UP Los Baños (65.75%), UP Manila (59.48%), PUP (64.07%), UST (66%), Ateneo (36.61%), at University of Northern Philippines (35.85%).

Gayunman, bakit sa mga survey naman ng Social Weather Station (SWS) at ng Pulse Asia, laging kulelat si Sen. Miriam? Bakit nga kaya? Why oh why? May bayaran ba sa ginagawang mga survey? (BERT DE GUZMAN)