PAMBIHIRA talaga itong China na may 1.3 bilyong populasyon at pangalawa ngayon sa maunlad na ekonomiya sa US. Noong Huwebes ay may ulat mula sa Washington D.C. na inaakusahan ng bansa ni Pres. Xi Jinping ang Pilipinas ng “political provocation” bunsod ng paghahain ng kaso sa international court kaugnay sa West Philippine Sea. Dahil dito, nanindigan ang China na hindi tatalima sa magiging hatol ng UN Permanent Court of Arbitration.
Mabangis ang pahayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na ang pasya ng mga leader ng ‘Pinas na maghain sa korte ng kaso ay “irresponsible to the Filipino and the future of the Philippines.”
Patuloy sa pagtanggi ang China na lumahok sa arbitration process na umano’y illegitimate o labag sa batas. Bakit ganito ang paninindigan ng China gayong maraming bansa sa mundo ang sang-ayon na lutasin ang kaso nang mapayapa alinsunod sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS)?
Samantala, ang Japan na umokupa at puminsala sa Pilipinas noong World War II, ay nangako naman na magkakaloob ng war-fighting equipment o gamit-pandigma para sa seguridad ng bansa. Nakatakdang lumagda sa isang kasunduan ang Pilipinas at ang Japan upang maisulong ang technological cooperation at makapagkaloob ang bansa ni Prime Minister Shinzo Abe ng gamit-pandigma sa ‘Pinas.
Ang kasunduan ay kauna-unahan sa pagitan ng dalawang Asyanong bansa bagamat ang Japan ay may katulad na agreement sa US, Australia, Britain at France. Kabilang sa ipagkakaloob ng Japan ay mga training aircraft na gamit nito sa Maritime Self-Defense Force.
***
Payag si Sen. Grace Poe na maihimlay si ex-President Marcos sa Libingan ng mga Bayani kapag siya ang nahalal na pangulo. Gayunman, may mga kondisyon si Sen. Grace tungkol dito, gaya ng pagtalima sa batas na dapat maging malinaw, isa na rito ang pagkilala sa mga biktima ng pang-aabuso noong rehimeng Marcos at pagkakaloob ng hustisya tulad ng pinansiyal at non-monetary.
“Pres. Marcos should be given a proper burial already, wherever that may be... There might be some technical question about whether it is allowed or not, but he should be buried properly.” ani Grace Poe. (BERT DE GUZMAN)