Mga laro ngayon

(MOA Arena)

3 n.h. -- Phoenix vs. Tropang TNT

5:15 n.h. -- Alaskavs. Rain or Shine

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Maitala ang ikalawang sunod na panalo ang asam ng Alaska sa kanilang pagsagupa sa Rain or Shine sa tampok na laro ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2016 PBA Commissioners Cup sa MOA Arena sa Pasay City.

Matapos mabigo sa una nilang laban sa kamay ng Blackwater, nakabawi ang Aces at nagwagi sa ikalawa nilang laro kontra defending champion Tropang Talk ‘N Text, 108-100, noong nakaraang Miyerkules.

Pinangunahan ang Aces ng kanilang pansamantalang import na si Shane Edwards na nagposte ng 36 na puntos bilang kahalili ng na-injured na resident import na si Rob Dozier.

Ngunit, maliban sa kanilang import, pinapurihan ni Aces coach Alex Compton ang kanyang mga local player sa ipinakitang tapang.

Para naman sa kanilang katunggaling Elasto Painters, magtatangka itong bumangon sa nalasap na dalawang sunod na kabiguan sa kamay ng kasalukuyang lider na Meralco Bolts at Barangay Ginebra matapos ipanalo ang unang laro kontra Star Hotshots.

Mauuna rito, pagbawi rin ang hangad ng bagong prangkisang Phoenix Petroleum sa pagsagupa sa Tropang Texters na gaya nila’y magkukumahog ding bumangon mula sa nalasap na kabiguan sa nakaraan nilang laban.

Tatangkain ng Tropang Texters na putulin ang kinasadlakang tatlong dikit na pagkabigo, pinakahuli sa kamay ng Aces matapos manalo sa una nilang laro kontra Elite.

Sisikapin naman ng Fuel Masters na makabalik sa win column matapos matalo sa kanilang ikalawang laban sa kamay ng Meralco, 87-90, kasunod ng nauna nilang panalo laban sa NLEX, 118-106. (MARIVIC AWITAN)