KIDAPAWAN CITY - Naabo ang isang gusali sa loob ng compound ng kapitolyo ng North Cotabato sa Barangay Amas sa lungsod na ito, dakong 7:30 ng gabi nitong Miyerkules.

Ayon kay City Fire Marshal Noah Pacalda, nagsimula ang sunog sa tool room ng carpentry building at mabilis na kumalat sa iba pang bahagi ng gusali.

Batay sa report, umabot sa ikatlong alarma ang sunog na tumagal ng isang oras at tumupok sa may P5 milyon halaga ng ari-arian, kabilang ang tatlong sasakyang nakaparada malapit sa gusali.

Sinabi ni Pacalda na nag-iimbestiga pa sila sa pinagmulan ng sunog.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

“Kailangan ang masusing imbestigasyon dito. Aalamin namin kung sinadya o resulta ng ilang problema sa electrical wiring ang sunog. Luma na kasi ang building at nasa 50 percent nito ay gawa sa light materials,” anang fire marshal. (Malu Cadelina Manar)