Malubha ngayon ang dalawang lalaki matapos silang pagsasaksakin ng anak ng taxi driver na nakasagutan nila sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kapwa ginagamot ngayon sa Tondo Medical Center sina Jhonny Delgado, 28, ng 2nd Street, Barangay Taniong, Malabon; at Roel Cervantes, 37, ng Pier South, Manila.

Nagtamo si Delgado ng mga saksak sa kanang bahagi ng tiyan, habang sa kaliwang bahagi naman ng mukha nasugatan si Cervantes.

Kaagad namang nadakip si Jingjing Morallos, 27, ng Leono St., Bgy. Taniong, na nahaharap sa dalawang bilang ng frustrated homicide.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Ayon kay PO3 Rommel Habig, ng Station Investigation Division (SID), dakong 1:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa C4 Road sa Bgy. Taniong.

Inihatid ni Delgado sa sakayan ng jeep ang mga bisita niyang sina Cervantes, Gerald Paz, at isang Albert.

Napansin ni Delgado na nakaparada sa gilid ng kalsada ang taxi na minamaneho ni Gerry Morallos, ama ng suspek, at sinabihan itong ihatid ang kanyang mga bisita.

Tumanggi ang matandang Morallos na isakay ang mga kasamahan ni Delgado hanggang sa magkainitan at magsigawan ang mga ito.

Narinig ng suspek ang pagtatalo ng ama at ng grupo ni Delgado kaya umuwi siya para kumuha ng patalim at pinagsasaksak ang mga biktima. (Orly L. Barcala)