Patay ang isang 72-anyos na biyuda matapos na iumpog ng anak niyang lalaki ang kanyang ulo sa lababo ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila.

Ayon sa mga ulat, namatay si Rica Fernandez, ng 1621 Sta. Maria Street, Tondo, habang ginagamot sa Tondo Medical Center, dakong 4:00 ng hapon nitong Sabado.

Batay sa imbestigasyon, tumanggi ang biktima na bigyan ng pera ang anak na si Ramon Fernandez, 48, na ipambibili lang naman nito ng ilegal na droga, kaya nagalit ang suspek at binugbog ang sariling ina dakong 2:40 ng hapon nitong Sabado.

Sinabi ni Arthur Malayan, pamangkin ng biktima, na nakita niya nang kaladkarin ng suspek sa buhok ang ginang papasok ng bahay habang humihiyaw naman ng paghingi ng saklolo ang matanda.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Ayon kay Malayan, tinangka niyang sumunod sa loob ng bahay, ngunit mabilis na naikandado ng suspek ang pinto.

Agad na tumawag ng responde sa pulisya ang mga kapitbahay at nang puwersahang buksan ng mga pulis ang pinto ay nakita ang biktima na walang malay at sugatan ang kaliwang bahagi ng noo.

Sinabi naman ng kapatid ni Ramon na si Jason na mahirap para sa kanya na patawarin ang kapatid sa nagawa nito, at iginiit na kailangang pagbayaran ng nakatatandaang kapatid ang pagpatay nito sa kanilang ina.

(ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)