Napigilan ng mga tauhan ng Philippine Army ang planong pagtatanim ng landmine ng New People’s Army (NPA) matapos masamsam ng mga sundalo ang materyales na gamit sa pagkukumpuni ng landmine sa Cabanglasan, Bukidnon.

Sinabi ni Capt. Norman M. Tagros, commanding officer ng 8th Civil Military Operations (CMO) Battalion, na nasamsam ang mga explosive material matapos ang bakbakan sa pagitan ng mga tauhan ng 8th Infantry Battalion, na pinamumunuan ni Lt. Col. Lennon G. Babilonia, at mga rebelde sa Barangay Iba, Cabanglasan, nitong Biyernes.

“Our field troops preemptive the attack of the NPA targets after our field troops seized bomb materials detonating wires and radio communication,” ayon sa ulat ni Tagros.

Aniya, ang mga rebelde ay kabilang sa SDG Dario ng Section Committee 89 ng Communist Party of the Philippines-NPA North Central Mindanao Regional Committee (NCRMC), na pinamumunuan ni Noel Gabute, alyas “Commander Cesar.”

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Nagsimula ang bakbakan dakong 1:30 ng hapon nitong Biyernes.

Rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Army sa lugar makaraang iulat ng mga residente na nagtatanim ng mga improvised explosive device ang mga rebelde sa isang kalsada sa lugar, na kasalukuyang sinesemento.

Iginiit din ng mga sundalo na mayroong napatay sa hanay ng mga rebelde subalit binitbit ng mga kasamahan ang mga bangkay sa pagtakas. - Mike U. Crismundo