NGAYONG umiinit na ang eleksiyon, sari-saring istilo ng pambobola na naman ang umaalingawngaw sa tainga ng mamamayan.

Sa radyo man, o sa telebisyon, sa peryodiko man o sa Internet, puro matatamis na pahayag ang ating naeengkuwentro.

Ang mga tumatakbo sa pambansang posisyon, daig pa si Valentino kung manuyo sa mga botante.

Sa kanyang pagtuntong sa entablado, taob ang karisma ni El Shaddai leader Bro. Mike Velarde kung mangako ang mga kandidato sa mga botante na isasalba nila ang mga ito sa kahirapan.

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

Ang kulang na lang ay pagwagaywayin ng puting panyo ang mga hinakot na “tagasuporta” upang palabasin na sila’y maluwag na tinatanggap sa kanilang pangangampanya.

Nand’yan ang pangako sa edukasyon para sa lahat, magandang kalusugan maging sa mga maralita, paglikha ng karagdagang trabaho, pagsugpo sa kriminalidad, et cetera, et cetera.

Subalit para kay Boy Commute, dalawa ang napakahalagang isyu na dapat talakayin ng bawat kandidato, lalo na ang mga puntirya ay ang Malacañang.

Ang una ay ang problema sa kakulangan ng mass transport system at pangalawa ay ang lumalalang traffic hindi lamang sa Metro Manila kundi sa halos lahat ng siyudad sa bansa.

Kung hihimayin ang mga pangakong binitiwan ng limang presidential aspirant sa dalawang usapin na ito, halos iisa ang kanilang tono. Karagdagang imprastruktura, mahigpit na pagpapatupad ng batas, pagpapalakas ng ekonomiya ng malalayong munisipalidad, pagsugpo sa mga nangongotong na pulis at traffic aide, et cetera, et cetera.

At kung pagmamasdan mo, habang inilalarga nila ang kani-kanilang solusyon sa lumalalang traffic, todo rin sila sa pag-arte upang palabasin na damang-dama nila ang paghihirap ng mga commuter at motorista.

Sa kanilang talumpati, ilang ulit n’yong maririnig na sila’y nakikiisa sa paghahanap ng solusyon sa problema.

Hoy, mga kolokoy! Magsalamin muna kayo bago kayo mag-drama.

Ilan sa inyo ang sumasakay nang madalas sa pampublikong sasakyan?

Ilan sa inyo ang nakasakay na sa MRT o LRT na walang bodyguard na tagahawi?

Ilan sa inyong lima ang nakasakay na sa padyak o pedicab na halos hindi ka makahinga dahil naiipit ang malaking tiyan sa baba ng upuan?

Ilan sa inyo ang alam ang pakiramdam ng “upong pitong piso lang po” sa jeepney na halos kalahati lang ng puwit ang nakalapat sa upuan dahil sa siksikan?

Sa pagpasok n’yo sa inyong tanggapan, multi-milyong pisong SUV ang inyong sinasakyan habang nakabuntot ang ‘sangkaterbang bodyguard.

Paano n’yo nasabing damang-dama n’yo ang paghihirap ng marami?

Ang kapal ng mukha n’yo! (ARIS R. ILAGAN)