May biyahe na ng bus mula at patungo sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Inilunsad nitong Miyerkules ang Premium Airport Bus Service para sa NAIA upang mapabuti ang transport services para sa mga pasahero ng paliparan.

Ang bus company na AIR21 ang magpapatakbo sa Premium Airport Bus Service sa ilalim ng brand name na UBE Express.

Mayroon itong kabuuang 42 unit ng bus na maghahatid-sundo ng mga pasahero sa NAIA sa loob ng 24-oras.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Maniningil ang Premium Airport Bus Service ng flat rate na P300 bawat pasahero at nag-aalok ng automated fare collection system para sa advanced online booking. Mayroon itong itinalagang sakayan at babaan ng pasahero sa ruta nito sa mga pangunahing mall at hotel.

Ang bawat UBE Express ay kayang magsakay ng 24 na pasahero at mayroong malalaking compartment para sa mga bagahe, closed-circuit television camera (CCTV), Global Positioning System (GPS), Wi-Fi, at on-board transport attendant, katulad ng airline flight attendant, na tutulong sa pamamahala sa operasyon.

Mula sa NAIA Terminal 1, 2, at 3, ang bus service ay magkakaroon ng dalawang ruta, partikular na ang patungong Roxas Boulevard at Makati Central Business District.

Sa Roxas Boulevard, maaaring bumaba at magsakay ng mga pasahero sa Midas Hotel, Hotel Jen, Manila Hotel, Mall of Asia, at Entertainment City.

Ang passenger stop para sa Makati City ay kinabibilangan ng Glorietta 4 at 5, at Ascott Hotel. (PNA)