SA paglalatag ng plataporma ng presidential bets para sa 2016 election, nakararami sa kanila ang naninindigan na ang Freedom of Information (FOI) bill ang makapangyarihang armas laban sa katiwalian. Silang lahat—Senador Grace Poe, Senador Miriam Santiago, Vice President Jejomar Binay, dating DILG Secretary Mar Roxas at Mayor Rodrigo Duterte—ay determinado na lipulin ang kurapsiyon sa lipunan at sa gobyerno.
Ang kanilang mga estratehiya sa pagpuksa ng katiwalian na gumigiyagis sa pamahalaan ay nakaangkla sa FOI. Dangan nga lamang at ito ay mistulang inilibing ng Kongreso. Ito ang ninanais maisabatas ng nakararaming kandidato sa panguluhan.
Hindi dapat ipagtaka kung bakit si Roxas lamang ang hindi bumanggit sa FOI Bill sa presidential agenda na inilathala sa isang pahayagan. Marahil, hindi siya naniniwala na ang nasabing panukalang-batas ang epektibong armas laban sa mga alingasngas sa pamahalaan. Ito kaya ang dahilan kung bakit hindi sinertipikahan ni Presidente Aquino bilang ‘urgent’ ang naturang bill? Hindi ba ito isang malaking kabalintunaan ng determinasyon ng administrasyon na lipulin ang mga katiwalian sa gobyerno?
Sa pamamagitan ng FOI bill, mailalantad sana sa sambayanan ang masasalimuot na detalye ng programa ng administrasyon. Kabilang dito ang kahina-hinalang implementasyon sa conditional cash transfer (CCT), transaksiyon sa MRT/LRT, Bottom-Up Budget (BUB), at marami pang iba. Sa pagbusisi sa naturang mga transaksiyon, madaling matutunton kung sino ang mga dapat papanagutin at masampahan ng kaukulang asunto at malapatan ng angkop na parusa. Maiiwasan ang mga pagtatakipan at sabwatan na nagiging dahilan ng kawalan ng pantay na katarungan laban sa mga kaalyado ng administrasyon. Maiiwasan ang sinasabing compartmentalized justice na ang malimit maging biktima ay mga kalaban ng gobyerno. Ganito kaya ang nangyari kina dating Chief Justice Renato Corona, mga Senador na sina Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada?
Marapat lamang na pangatawanan nina Poe, Binay, Duterte, Roxas at Santiago ang pagsasabatas ng FOI bill kapag sila ay pinalad na maging Pangulo upang tuluyang malipol ang mga katiwalian sa bansa. (CELO LAGMAY)