DAVAO CITY - “Ang pagdakip kay Hassan Indal, alyas Abu Hazam, na isa sa mga pangunahing leader ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ay isang matinding dagok sa organisasyon.”
Ito ang kumpirmasyon ng tagapagsalita ng BIFF na si Abu Misry sa panayam ng may akda nitong Miyerkules.
Kinumpirma rin ni Misry na si Indal nga ang naaresto ng awtoridad nitong Miyerkules sa Barangay Kalanganan, Cotabato City.
“Si Hassan Indal po ‘yung nahuli sa Kalanganan,” sabi ni Misry.
Si Indal ang itinuturing na No. 4 man sa grupo, ayon sa matataas na opisyal ng militar na nakabase sa Maguindanao.
“Malaking kawalan sa BIFF ang pagkakahuli kay Hassan Indal,” ani Misry.
“Pero naniniwala kami na ito ay pagsubok lamang sa organisasyon. Magpapatuloy pa rin ang aming pakikipaglaban para sa mga Moro ng Mindanao” dagdag ni Misry.
Kasabay nito, tiniyak ni Misry na maglulunsad ng mas maraming pag-atake ang BIFF sa mga establisimyento ng gobyerno at militar sa lugar. (ALEXANDER D. LOPEZ)