Binawian ng buhay ang isang opisyal ng Philippine Army (PA) habang sumasabak sa marathon event na “Run for a Hero” sa Skyway sa Muntinlupa City, nitong Linggo ng umaga.

Patay na nang idating sa Asian Hospital si Major Arnold Lubang, 40, nakatalaga sa G-5 ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City.        

Sa ulat na tinanggap ni Muntinlupa City Police chief Senior Supt. Nicolas Salvador, dakong 6:30 ng umaga nang matagpuan si Lubang ni Lieutenant Joseph Decena, isa ring kalahok sa marathon, na nakahandusay si Lubang may 500 metro ang layo mula sa southbound lane ng Skyway Toll Exit sa Alabang.

Tinangka pa umanong sagipin ni Decena ang biktima sa pamamagitan ng CPR (cardio pulmonary resuscitation) bago ito isinugod sa isang ospital.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Dahil sa malakas na pagbagsak sa semento, lumitaw sa pagsusuri ng doktor na nagtamo ng galos sa labi, kamay, tuhod at kanang mata ang nasawing opisyal.

Isasailalim sa awtopsiya ang labi ng biktima sa PNP Crime Laboratory pang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nabatid na kalahok si Major Lubang sa naturang marathon na nag-umpisa dakong 3:00 ng umaga. - Bella Gamotea