Dahil sa bagong panuntunan ng Philippine Super Liga (PSL), napigilan ang pagbabalik ni La Salle star Aby Maraño sa Philippine Army.
Ayon kay PSL president Ramon ‘Tatz’ Suzara, nagkasundo ang team owners na gawing balance ang mga koponan at ang pagbabalik ni Marano sa Army ay higit na magpapalakas sa 3-time champion.
Bunga nito, napunta si Maraño sa free agency at maaari lamang na makalaro sa limang iba pa na koponan na miyembro ng liga na Philips Gold, Foton, Cignal at mga baguhang San Jose Builders at F2 Logistics.
Ang opisyal na lineup ng bawat koponan ay naisumite na sa ginanap na team owners meeting noong nakaraang Martes sa Bonifacio Global City.
Ilan sa inaasahang magbibigay ng maigting na laban ang collegiate star na si CJ Rosario mula Arellano University, ang nagbabalik na si Bang Pineda at ang beterano na si Aiza Maizo.
Ang F2 Logistics, isang korporasyon sa freight forwarding, ay binuo ang bagong prangkisa nito kina Cha Cruz at Stephanie Mercado habang ang San Jose Builders ay ipaparada ang dating superstars sa NCAA. - Angie Oredo