Pebrero 8, 1983 nang dukutin ng mga armadong lalaki, na umano’y miyembro ng samahang paramilitary na Irish Republican Army (IRA) ang kabayong Irish na si Shergar, na inihahanda para sa panahon ng karera, sa isang stud farm sa County Kildare, Ireland.

Tinutukan ng baril at pinuwersa ng mga armado ang head groom na si Jim Fitzgerald upang ituro ang kuwadra ng kabayo, at saka nila itinakas ito. Humingi sila ng mahigit $2 million ransom para maibalik si Shergar.

Nabigo ang mga negosasyon sa pagpapalaya sa kabayo at hindi rin natukoy ng awtoridad ang kinaroroonan nito. Sa madaling sabi, hindi binayaran ang ransom. Inisip ng mga Irish horse lovers na kung gagawin nila ito ay mas maraming kabayo ang bibihagin at ipatutubos, ngunit nagsagawa ng pagsalakay ang pulisya sa paghahanap kay Shergar – at hindi pa rin natagpuan ang kabayo.

Ang limang-taong gulang na kabayong si Shergar na nagkakahalaga ng $13.5 million, ay nanalo sa Epsom Derby noong 1981. Siya ay “kind, gentle, and calm,” may pambihirang estilo sa karera, at may puting marka sa mukha.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate