Umalis sina Filipino-Japanese Kiyome Watanabe at Kodo Nakano patungong France para sumali sa World Judo Championship na nakatakda sa Pebrero 10.
Ang naturang torneo ay tune up matche para sa Asian Judo Olympic qualifying sa Abril sa Tashkent, Uzbekistan.
Sinabi ni Philippine Amateur Judo Association President Dave Carter na malaki ang tsansa nina Watanabe at Nakano na makakuha ng Olympic slots para sa Rio Games kung kaya’t suportado ang kanilang pagsabak sa abroad.
“Tune up game nila ito. Kailangan maganda ang performance nila para tumaas ang morale sa Asian Judo qualifying,” sambit ni Carter.
Inamin ni Carter na mabigat ang laban nina Watanabe at Nagano dahil lahat na magagaling sa mundo ay kasali, ngunit determinado ang dalawang judokas na katawanin ang bansa sa Rio.
“It’s a tough task to accomplish because of the toughness of the competition. Let’s pray for their success in France,” aniya.
Lalahok ang 18-anyos na si Watanabe, 2014 Asian Junior Judo champion, sa 63 kg. (featherweight), habang sasalang ang 21-anyos na si Nagano, two-time SEA Games campaigner at Asian judo veteran, sa 81kg (light middleweight).
Ang partisipasyon ng dalawa ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
Si John Baylon ang huling Pinoy judoka na naglaro sa Olympics noong 1988 sa Seoul, South Korea.