Tuluyang umarya sa championship round ng UAAP Season 78 juniors basketball tournament ang National University nang makumpleto ang record 14-0 sweep sa elimination round sa pamamagitan ng dominanteng 80-57 panalo kontra De La Salle-Zobel, kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.
Ratsada si Justine Baltazar sa naiskor na 18 puntos at 18 rebounds para pangunahan ang Bullpups sa panalo at mamartsa sa championship round.
Batay sa regulasyon, nakamit ng Bullpups ang “outright berth” sa finals at ang insentibong “thrice-to-beat” bunsod nang malinis na karta sa double round elimination.
Nag-ambag sina Daniel Atienza at John Lloyd Clemente ng tig-15 puntos para sa the Bullpups, umarya sa 26-13 sa kaagahan ng second period matapos magtabla ang iskor sa 16-all sa pagtatapos ng first quarter.
“Alam namin na they (La Salle-Zobel) will start strong. Kinuha lang namin ‘yung right timing namin. Naging pasensyoso sila. Hindi sila nagpakita ng frustration dahil alam nila na kaya nila basta as a group sila maglalaro,” sambit ni NU Coach Jeff Napa.
“Masaya ako sa mga bata. At least, ‘yung pinaghirapan namin throughout the year, konti na lang makukuha na namin,” aniya.
Nanguna si Aljun Melencio sa Junior Archers (11-3) na may 18 puntos. Tumapos ang La Salle sa ikalawang puwesto at hawak ang “twice-to-beat” na bentahe sa stepladder stage kontra sa magwawagi sa knockout game sa pagitan ng defending champion Ateneo at Far Eastern University-Diliman.