IPINAAARESTO ng Makati Regional Trial Court (RTC) si Sen. Trillanes dahil may sapat na batayan daw ang kasong libel na isinampa laban sa kanya ni dating Makati Mayor Junjun Binay. Nag-ugat ang kaso nang pagbintangan ng senador ang alkalde ng bribery, graft, corruption at plunder kaugnay sa umano’y overpriced construction ng Makati City Hall Building II. Ginawa ito ng senador sa mga panayam sa kanya ng media na nailathala sa mga pahayagan.

Sa loob ng pitong taon, ako ang nagsilbing abogado ng National Press Club (NPC), karamihan sa naging trabaho ko ay idepensa ang mga kasapi nito na nagkaroon ng kasong libelo. Ang kaso lang ng opisyal ng College Editors Guild of the Philippine (CEGP) ang alam kong inapela ko sa Court of Appeals (CA) dahil natalo kami sa Manila RTC. Gayunman, nanalo kami sa CA. Sa lahat ng mga kasong tinanganan ko ay mangilan-ngilan lang ang nadesisyunan at nanalo kami.

Pero karamihan ay na-dismiss na lang dahil umatras ang nagdemanda o kaya’y hindi sumipot.

Sa karanasan ko bilang tagapagtanggol ng mga mamamahayag laban sa libel, ang basa ko sa mga nagdedemanda ng libel ay ginagamit ang kaso para takutin ang idinedemanda. O kaya, sa pagbabangong-puri. Sa kaso laban kay Trillanes, sinabi ng senador na hindi siya matatakot ng mga “magnanakaw”. Hindi umano siya nababahala sa kasong libel na isinampa laban sa kanya. “Hindi ko hahayaan,” wika niya, “na ang mga magnanakaw ang mamumuno ng bansa.” Pero ayon naman sa abogado ni Binay, nagpapatunay lang daw ito na kasinungalingan ang mga ibinibintang kay VP Binay at ang mga ito ay may bahid pulitika. Dahil ito ang posisyon ni Binay, patutunayan niya na hindi overpriced ang Makati City Hall Building II at walang katiwaliang naganap sa pagpapatayo nito. Eh, armado ng ebidensiya si Trillanes na taliwas sa posisyong ito. Ang mga ebidensiyang ito ay inilahad na nga nang dinggin ng Senate Blue Ribbon Committee ang anomalyang ito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Si Nizer, tanyag na abogado sa Amerika, ang nagsabi: Ang libel ay parang maliit na putik na tumilamsik sa puti mong damit. Kapag pinunasan mo iyan habang basa ay kakalat lang. Hayaan mo na lang ito matuyo at tumigas at kusa itong mahuhulog. Dapat ganito na lang ang ginawa ng mga Binay sa dami ng anomalyang ibinabato sa kanila. Kakalat kasi ang kaso laban kay Trillanes sa mga anomalyang ito dahil material ang mga ito para sa pagsukat ng moral damages na nararapat igawad sa kanila. (Ric Valmonte)