MAY mga nagtanong sa akin kung bakit hindi ako muling kumandidato sa pagkapangulo sa halalan sa Mayo 9. Simple lang ang dahilan: maligaya ako sa kinaroroonan ko ngayon, at kuntento ako sa ginagawa ko sa kasalukuyan.
Simula noong halalan ng 2010 at pagkatapos ng aking termino sa Senado, bumalik ako sa aking pangalawang pag-ibig: ang negosyo. Ang una, siyempre, ay ang aking maybahay.
Ang totoo, may tatlong bagay akong pinagpilian pagkatapos ng halalan. Una ay ang pagreretiro at ang pagsusulat ng aking memoir. Pangalawa, ang pagbabalik sa pulitika. Pangatlo, ang pagbabalik sa aking negosyo.
Napag-isip kong napakabata ko pa upang magretiro. Sa kabilang dako, wala akong nararamdamang sigasig sa pagbabalik sa pulitika, pagkatapos ng mahigit dalawang dekadang ipinagsilbi ko bilang halal na opisyal.
Kaya dagli akong nagpatawag ng pulong sa mga opisyal ng Vista Land & Lifescapes upang simulan ang proseso sa pagbabalik ko sa pamumuno sa aming korporasyon.
Sa ngayon, tahasan kong masasabi na hindi ko pinagsisisihan ang aking pasya. Sa pakiramdam ko, parang muli akong isinilang, kagyat na nagising ang aking pagiging entrepreneur.
Gaya ng sinabi ko sa Forbes Magazine CEO Forum, ang transisyon ko mula sa pulitika tungo sa negosyo ay parang panonood sa ultra-HD color television kumpara sa black and white.
Ikinararangal ko ang 21 taon na ginugol ko bilang sa Mababang Kapulungan at Senado. Ipinagmamalaki ko, lalo na, ang paggawa ng kasaysayan bilang natatanging Pilipino na nagsilbi bilang Speaker ng Mababang Kapulungan at Pangulo ng Senado mula nang matapos ang digmaan.
Ngunit ang pagbabalik sa negosyo ang gumising sa diwa ng pagiging entrepreneur sa aking sarili. Pakiramdam ko’y nagbalik ako sa aking kabataan, na parang nagsisimulang muli.
Marahil, ako’y tunay na entrepreneur sa puso. Ito ang aking tahanan. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako nahirapan sa pagbabalik sa negosyo. Kaagad kong nakita ang mga oportunidad sa pagtatayo ng bahay, condominium, at sa negosyong tingian, kasama na ang pagtatayo ng mga mall.
Ngayon, may mga proyekto na kami sa 100 lungsod at munisipalidad sa bansa. Tinitingnan namin ang pabahay hindi bilang nag-iisang negosyo kundi bilang plataporma para sa iba pang oportunidad sa negosyo.
Ang payo ko sa mga nag-iisip pa kung ano ang gagawin sa kanilang buhay ay ang maging entrepreneur. Kailangan lamang ay mangarap, magkaroon ng ambisyon at ng pagpupursige upang maabot ang pangarap.
May mga nagmungkahi sa akin na bumalik sa pulitika upang makatulong sa maraming tao. Totoo, ngunit kahit ang mga pribadong negosyo ay maraming magagawa para sa kapakanan ng publiko.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)