Kumikinang na apat na medalya ang naiuwi nang isa sa kinukonsiderang non-performing national sports associations (NSA’s) na Squash Rackets Association of the Philippines (SRAP) sa paglahok nito sa 2nd South East Asia Cup Squash Championships kamakailan sa Nay Pyi Taw, Myanmar.

Ayon kay SRAP President Robert Bachman, anak ng bagong luklok na Philippine Sports Hall of Fame awardee na si Kurt, na matagumpay ang naging kampanya ng national team sa Myanmar at inaasahang magiging susi nila ito para mas mabigyan ng pondo ng Philippine Sports Commission (PSC).

“When I was elected into the position October 28 last year, Philippine Olympic Committee (POC) president Peping Cojuangco told me to produce medal in the next two years. Now, I am humbly saying that we were able to get the gold in just two months,” pagbibida ni Bachmann a pagdalo sa PSA Forum kahapon sa Shakey’s Manila.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang nagwagi ng ginto ay ang pares nina Robert Garcia at David Pelino sa Men’s Jumbo Doubles habang may pilak naman ang tambalan nina Jemyca Aribado at Yvonne Dalida sa Women’s Jumbo Doubles. Ang dalawang tanso ay napunta kay Jemyca Aribado sa women’s individuals at sa Mixed Team event.

Tanging si Macmac Begornia lamang ang hindi nakapag-uwi ng medalya sa men’s individual sa delegasyon na binubuo rin ng mga coaches na sina Jaime Ortua, Edgar Balleber at Jun Paganpan.

“Our best finish is a silver, also during the East Asia Cup,” aniya.

Limang kategorya ang pinaglabanan sa kada taong torneo na Men’s Jumbo Doubles, Women’s Jumbo Doubles, Men’s Individual, Women’s Individual at Mixed Teams kung saan ang mga lumahok ay ang Pilipinas, Malaysia, Myanmar, Singapore at Thailand.

Tinanghal na kampeon ang Singapore na may 2 ginto, 2 pilak at 3 tanso para sa pitong medalya habang ikalawa ang powerhouse na 2017 SEA Games host Malaysia na may 5 at nasa ikatlo ang Pilipinas na may 4 na medalya habang ikaapat ang Thailand (0-0-2=2) at ang Myanmar (0-0-1=1).

Kasama rin ni Bachmann sa bagong pamunuan sina Romy Dona (vice-president), Vince Abad Santos (secretay general), Joey Mabilangan (Treasurer) at ang mga director na sina Edgar Billaber, Anthony Reyes, Jelly Tabuena at Jennifer Bacasio. (ANGIE OREDO)