Sinimulan na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang 100-day countdown bago ang eleksiyon sa Mayo 9.
Kaugnay nito, nagdaos kahapon ang Comelec ng Twitter-hosted Question and Answer (Q&A) forum, na sinimulan ganap na 1:30 ng hapon.
Sa nasabing forum, sinagot ng poll body ang lahat ng katanungan ng publiko tungkol sa halalan.
Nabatid na ang Twitter Q&A ay bahagi ng nilagdaang partnership agreement ng Comelec at Twitter.
Gamit ang #AskCOMELEC, binigyan ng pagkakataon ang publiko na makilahok sa diskusyon.
Pormal na ring nagbukas ng kanyang Twitter account (@ChairAndyBau) si Comelec Chairman Andres Bautista, para maaaring makipag-komunikasyon sa kanya ang mga botante.
Kaugnay nito, kampante ang Comelec na magiging matagumpay ang transmission testing ng mga vote counting machine (VCM) matapos ang matagumpay na field-testing ng mga makina sa 32 pampublikong eskuwelahan.
Tiniyak din ng Comelec na hindi papalya ang mga makinang gagamitin at hindi magiging atrasado ang halalan.
Isasagawa naman sa Pebrero 13 ang transmission testing, at naka-schedule ang mock polls sa 30 lugar sa buong kapuluan.
Nasa Comelec warehouse na ang mahigit 64,000 VCM at inaasahang darating sa bansa ang iba pang makina para mabuo ang 93,977 na kakailanganin sa halalan.
Ang ballot printing naman ay sisimulan sa Pebrero 8, bagamat nag-iimprenta na ng mga balotang gagamitin sa manual elections at overseas absentee voting. (Mary Ann Santiago)