WALANG balakid ang pagsusulong ng isang panukalang batas na nagkakaloob ng tax exemption kay Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach. Ibig sabihin, ang ating kababayang itinanghal na pinakamagandang dilag sa buong daigdig ay hindi na pagbabayarin ng buwis sa lahat ng kanyang kinita sa naturang world beauty competition.

Kung tutuusin, hindi lamang ganito ang pagbubunyi na dapat nating iukol kay Pia. Isipin na lamang na makalipas ang 42 taon, ngayon lamang tayo muling nakapag-uwi ng Miss Universe crown. Sina Gloria Diaz at Margie Moran ang pinakahuling nakapag-uwi ng korona bilang Miss Universe. Dapat lamang silang ipagbunyi hindi lamang sa grand parade at welcome ceremonies na tulad nga ng pagbibigay-galang kay Presidente Aquino sa Senado at Kamara. Higit sa lahat, ibayong paggalang at pagdakila ang ipamalas natin sa kanya sa makabuluhang paraan. Pinatunayan niya ang katalinuhan, kagandahan, at pagiging huwaran bilang isang Pilipino.

Gayunman, ang pagkakaloob ng tax exemption, kung ganap na isasabatas, ay hindi malayong maging hudyat ng diskriminasyon. Marami sa ating kababayan, noon at ngayon, ang nakapag-uwi na rin ng world honor para sa ating bansa. Si Congressman Manny Pacquiao, halimbawa, ay kinikilala bilang 8-division world champion sa larangan ng boxing. Sa milyun-milyong dolyar na kanyang kinikita bilang boxing champion, lagi siyang tinutugis ng Bureau of Internal Revenue (BIR). At tumatalima naman siya sa pagbabayad ng buwis sa kanyang mga kinikita.

Isa pang boxing champion din na hindi ko na maalala ang pangalan ang mistulang hinarang ng Bureau of Customs (BoC) upang buwisan ang iniuwi niyang championship belt. Hindi ko matiyak kung hanggang saan nakarating ang naturang isyu.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi naman isyu, kung sabagay, kay Pia ang pagbabayad ng buwis. Tahasan niyang sinabi na siya ay laging nagbabayad sa lahat ng kanyang kinikita, lalo na noong siya ay aktibo sa telebisyon.

Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, ang mainit, masigla, kagila-gilalas na pagbubunyi kay Pia, at sa iba pa nating kababayan na nag-uuwi ng karangalan, ay nahahalinhan ng panlulumo dahil sa taxing power ng BIR. (CELO LAGMAY)