Mga laro ngayon
Ynares Sports Arena
2 p.m. - CafeFrance vs BDO - NU
4 p.m.- Mindanao vs Wangs
Tatangkain ng CafeFrance na makopo ang ikalawang sunod na panalo sa kanilang pagsalang kontra BDO-National University sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2016 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kagagaling pa lamang mula sa 89-65 demolisyon ng baguhang Mindanao Aguilas, babalingan naman ngayon ng reigning Foundation Cup champion Bakers ang Bulldogs na magbubuhat naman sa 90-85 na paggapi sa baguhan ding UP - QRS/Jam Liner sa una nilang laro.
Ngunit kahit na isa sa pinakabeteranong koponan sa liga, mayroon pa ring pangamba si Bakers coach Egay Macaraya sa pagharap nila sa Bulldogs dahil na rin sa nakikita niyang pagkakahalintulad ng laro nila ng tropa ni coach Eric Altamirano.
Gaya nila, ang pangunahing panlaban ng Bulldogs ay ang tinatawag na “familiarity” dahil na rin sa matagal na silang magkakasamang naglalaro sa UAAP.
Bukod sa pagkakaroon ng mga mahuhusay na mga locals, mayroon din ang dalawang koponan ng mga maasahang mga foreign slotman na masasandigan at maaashan para pangunahan ang kani-kanilang team sa tagumpay.
Si Rodrigue Ebondo, ang patpating sentro ng Café France na siyang naging susi upang makamit nila ang nakaraang Foundation Cup crown, ay inaasahang magkakaroon ng matinding match-up laban sa dating UAAP Finals Most Valuable Player na si Alfred Aroga.
Lahat ng ito ay tiyak na makakadagdag ng kulay at magiging malaking dahilan para mas lalong maging kapana-panabik ang laro.
“We still have a lot to work on, like our turnovers. (Going up against NU) we need to be sharper, cause they also have been playing together for a long time,” ani Macaraya.
Bukod naman kay Ebondo, umaasa rin si Macaraya na magpapakita ng parehas na laro na gaya ng ipinamalas nito sa una nilang laban ang forward na si Joseph Manlangit.
Sa panig naman ni Altamirano, aasahan nitong mangunguna ang tambalan nina Aroga at JJ Alejandro sa pagsagupa nila sa Bakers na pinangungunahan ng core ng koponan ng Centro Escolar University (CEU).
Samantala sa ikalawang laro, magtutuos naman ang dalawang koponang kapwa nahirapan sa kani-kanilang debut game, ang Mindanao Aguilas at Wangs Basketball. (Christian Jacinto)