INILUNSAD ng mga tourism minister sa Southeast Asia nitong Biyernes ang isang 10-taong plano para pasiglahin ang panghihikayat ng rehiyon bilang nag-iisang lugar na ang turismo ay makakatulong nang malaki upang mapaangat ang ekonomiya ng rehiyon nang 15 porsiyento pagsapit ng 2025.
Inihayag din ng mga kalihim mula sa may 10 miyembro na Association of Southeast Asian Nations na sisimulan na nila ang kampanyang “Visit ASEAN@50” kasabay ng ika-50 anibersaryo ng grupong pang-rehiyon sa susunod na taon. Ang kampanya, na ilulunsad sa Marso sa isang travel convention sa Berlin, ay magtatampok ng daan-daang produkto ng turismo, iba’t ibang event, at karanasan sa ASEAN, na puntirya ang mamamayan sa loob at labas ng rehiyon.
Binubuo ng turismo ang 12.3 porsiyento ng GDP ng ASEAN noong 2013 sa 102.2 milyong tourist arrivals. Inihayag ng ASEAN na ang bilang ng dumagsang turista ay tumaas sa 105 milyon noong 2014.
Pormal na itinatag ng ASEAN ang pinag-isang komunidad na pang-ekonomiya nitong Disyembre, at sinabi ng mga opisyal na ang turismo ang pangunahing haligi ng pagsasama-sama sa rehiyon na may mahigit 600 milyong katao.
Bilang bahagi ng common branding, inilunsad ng mga tourism minister ang isang ASEAN cruise brand na may logo ng magkakaugnay at makukulay na alon.
Inihayag ni Department of Tourism Secretary Ramon Jimenez, Jr. ng Pilipinas, na ang layunin ng pagkakaroon ng isang ASEAN visa ay posible nang maging realidad sa susunod na limang taon. Aniya, sumasang-ayon ang lahat sa pagkakaroon ng iisang visa ngunit naipagpapaliban ang pagpapatupad nito dahil sa ilang problemang teknikal.
“As ASEAN turns 50 it is an incredible opportunity for us to launch the whole idea that ASEAN is a single destination, not 10,” sabi ni Jimenez, na nanguna sa taunang pulong ng mga tourism minister na idinaos sa Maynila.
Sa isang pahayag, ipinaabot ng mga kalihim ang kanilang pakikiramay sa Indonesia kaugnay ng pambobomba ng mga terorista sa Jakarta kamakailan. Pinuri nila ang mabilis na pagresponde ng Indonesia sa nasabing pag-atake upang maiwasan ang anumang masamang epekto nito sa turismo.
Sinabi ni Indonesian Tourism Minister Arief Yahya na walang nagkansela ng biyahe sa kanyang bansa matapos ang pambobomba, na pumatay sa walong katao, at umapela siya sa mga kasapi ng ASEAN para sa patuloy na pagsuporta.
Umaapela ang 10-taong plano sa turismo para sa pinaigting na promotion at marketing, pagpapaiba-iba ng mga produkto ng turismo, kabilang ang pagpapaganda ng mga sub-regional destination, paghimok ng tourism investment, pagtataguyod ng isang ASEAN tourism standards certification system, pagpapalawak ng pagkakaugnay-ugnay at imprastruktura, at higit na pakikibahagi ng mga lokal na komunidad sa turismo.
Kung ganap na maipatutupad ang mga proyekto, sinabi ng ASEAN na inaasahan na nito na tataas mula sa 3.7 porsiyento at magiging 7 porsiyento pagsapit ng 2025 ang ambag ng turismo sa kabuuang trabaho sa rehiyon, gayundin ang pagtaas ng per capita na paggastos ng mga dayuhang turista sa $1,500 mula sa $877. Inaasahan ding madaragdagan ang tourist arrivals sa ASEAN sa 152 milyon sa 2025.
Inihayag ni Jimenez na pagsapit ng 2030, malaki ang posibilidad na sa ASEAN na maitatala ang 25 porsiyento ng 1.8 bilyong tourist arrivals sa mundo. (Associated Press)