Makaaasa ng patas na imbestigasyon at sapat na proteksiyon si Marines Lt. Col. Ferdinand Marcelino.

Ito ang tiniyak ng Malacañang matapos maaresto si Marcelino nang maaktuhan sa isang shabu laboratory sa Sta. Cruz, Maynila, sa pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG).

Ayon kay Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Undersecretary Manolo Quezon III, tulad ng ibang akusado, makaaasa si Marcelino ng due process, patas na imbestigasyon at proteksiyon sa kanyang mga karapatan.

Marami ang nagulat sa pagkakadakip kay Marcelino, kabilang na si Army Chief Lt. Gen. Eduardo Año, na sinabing batay sa kanilang samahan noon sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), matinong intelligence officer si Marcelino at kaya niyang panindigan ang pagkatao at integridad nito.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kilala rin si Marcelino, dating director ng PDEA, sa pagdakip sa mga high-profile drug trafficker.

“Hindi namin pangungunahan ang proseso, hayaan na sagutin ng dating PDEA official ang kinakaharap na kaso,” wika ni Quezon.

Pero nilinaw ng Malacañang na hindi tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) si Marcelino, at itinanggi rin ni PDEA Director General Arturo Cacdac, Jr. na isang kaso ng “frame-up” ang pagkakaaresto kay Marcelino.

“Kumuha na lang siya (Marcelino) ng magaling na abogado para idepensa ang kanyang sarili,” sabi ni Cacdac.

(BETH CAAMIA)