Sugatan ang isang air-con technician makaraang hatawin ng bote ng alak sa ulo at saksakin ng isang dumaang kapitbahay habang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa Pasay City, nitong Huwebes ng gabi.

Isinugod sa Pasay City General Hospital si Nolly Mendana, 45, ng No. 561 E. Rodriguez Extension, Malibay, dahil sa mga tinamong sugat sa ulo at saksak sa dibdib at braso.

Naaresto ng mga tanod ng barangay ang suspek na si Joseph Hek, alyas “Ruben,” 42, ng No. 551 E. Rodriguez.

Ayon sa pagsisiyasat ni SPO1 Giovanni Arcinue, dakong 10:53 ng gabi at masayang nakikipag-inuman ang biktima kasama ang kanyang mga kapitbahay na sina Herobic Salmoren at Nonie Cabuenas sa harap ng isang tindahan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Napadpad si Hek sa lugar, bitbit ang isang bote ng alak nang mapansin nito ang malalakas na tawanan ng grupo ng biktima.

Nang akalain na siya ang pinagtatawanan, biglang sinugod ni Hek ang grupo at hinataw sa ulo ng kanyang bitbit na bote si Mendana.

Nagkaroon ng komosyon sa gitna ng kalsada hanggang bumunot ng patalim si Hek at sinaksak si Mendana sa dibdib at braso.

Napilitan ang dalawang kapitbahay na tulungan ang biktima at isa sa mga ito ang humampas ng monoblock na upuan sa suspek upang matigil ang pananaksak nito.

Maagap namang rumesponde ang mga barangay tanod sa lugar at nasakote ang suspek, na nagtangka pang tumakas.

(Bella Gamotea)