Hindi nakaporma ang apat na Filipino netters matapos na mawalis sa unang round pa lamang ng matitikas na dayuhang kalaban sa main draw ng $75,000 ATP Challenger Philippine Open sa Rizal Memorial Tennis Center.
Agad namaalam sina AJ Lim, Francis Casey Alcantara at Jeson Patrombon hanggang sa tuluyang tinapos ni Fil-Am Ruben Gonzales ang representasyon ng Pilipinas sa torneo na nilahukan ng 28 sa pinakamahuhusay na papaangat na mga kabataang manlalaro sa lawn tennis.
Ang 16-anyos na si Lim, isa sa apat na nakasama sa wild card entries, ay nagtagal lamang ng mahigit isang oras bago yumukod sa unseeded na si David Guez ng France, 4-6, 0-6.
Ilang sandal lamang ay nagsisunod na rin sina Alcantara at Patrombon.
Agad naghabol si Alcantara sa unang set at hindi na nakaahon pa sa dating world No. 207 na si Amir Weintraub ng Israel, 1-6, 3-6.
Nagpamalas ng kanyang husay ang Philippine No. 1 player na si Patrombon subalit hindi rin ito tumagal upang malasap ang 2-6, 2-6 kabiguan sa kamay ng 5th seed na si Kimer Coppejans ng Belgium.
Ganoon din ang nangyari kay Gonzales na nabigo sa Dutch na si Igor Sijsling, 2-6, 2-6. (Angie Oredo)