RIO DE JANEIRO (AP) — Patuloy na tumataas ang bilang ng pinaghihinalaang kaso ng microcephaly, isang bibihirang depekto sa utak ng mga sanggol, sa Brazil, na umaabot na sa 3,893 simula noong Oktubre, sinabi ng Health Ministry nitong Miyerkules.
May 150 kaso lamang ng microcephaly ang naitala sa bansa noong 2014. Sinabi ng mga opisyal ng kalusugan na kumbinsido sila na ang pagtaas ay may kaugnayan sa outbreak ng Zika virus, isang sakit na dulot ng lamok na katulad ng dengue, ngunit hindi pa malinaw kung paano naaapektuhan ng virus ang mga sanggol.
Ang mga sanggol na may microcephaly ay mas maliit kaysa normal ang ulo at hindi lubusang nabubuo ang kanilang mga utak. Karamihan ng mga fetus na may kondisyong ito ay nalalaglag, habang ang iba ay namamatay matapos isilang. Ang mga nabubuhay ay nagkakaroon ng abnormalidad at maraming sakit.