NANG mabalita na pinagtibay na ng Mababang Kapulungan at ng Senado na Social Security System (SSS) pension bill, na magdadagdag ng across-the-board P2,000 increase sa mga SSS pensioner, abot-langit ang pasasalamat ng mga retiree at mga pensioner. Mahigit silang 2 milyon na ang marami’y umiinom na ng maintenance medicine sapagkat kung hindi high-blood ay may diabetes. Ang iba naman ay pinilay na ng rayuma, mabagal maglakad sapagkat masakit ang tuhod.
Lalo pa silang natuwa nang sabihin sa interbyu sa radyo at telebisyon ni Senate President Franklin Drilon na dinala na sa Malacañang ang SSS pension bill upang lagdaan ni Pangulong Aquino. Dahil dito, sa pagsisimba ng mga senior citizen at SSS pensioner tuwing Miyerkules at Biyernes, ang dasal nila na lagdaan sana ng Pangulo ang SSS pension bill ay sinamahan pa nila ng lakad nang paluhod mula sa pinto ng simbahan. Malaking tulong kasi ang karagdagang P2,000 sa pambili nila ng maintenance medicine, na halos linggu-linggo ay tumataas ang presyo. Kahit may 20 percent discount, hindi kayang bumili ng marami sapagkat kulang o walang pera. Napipilitang mangutang ang iba at ang pangakong pambayad ay ang kalahati ng SSS pension.
Nadismaya at gumuho ang pag-asa ng mga SSS pensioner makaraang ibasura ni Pangulong Aquino ang nasabing panukala.
Ang katwiran, mababangkarote ang pondo ng SSS. Makokompromiso ang may 31 milyong miyembro ng SSS.
Dahil sa pagbasura sa SSS pension bill ng elitista nating Pangulo, inulan siya ng matinding batikos.
Maging ang ilang obispo at iba pang alagad ng simbahan ay binatikos si PNoy sa kawalan niya ng malasakit sa mga SSS pensioner at senior citizen, na noong kabataan ay malaki ang naitulong sa bayan.
Ayon naman kay Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares, principal author ng SSS pension hike bill, ang pag-veto ni PNoy ay malinaw na kawalan nito ng puso sa mga SSS pensioner. Maging sa social media ay inulan din ng batikos ang Pangulo mula sa mga anak at apo ng mga SSS pensioner at senior citizen. May nagsabi pa na sa matinding galit ng mga senior citizen kay PNoy, sa eleksiyon sa Mayo 9 ay hindi nila iboboto ang lahat ng kandidato ng administrasyon.
Dahil dito, pupulutin sa kangkungan ang pambato ng Malacañang na laging kulelat sa survey.
Sa pananaw naman ng ilang mambabatas, ang pagbasura o pag-veto sa SSS pension hike bill ay malulutas sa pag-override sa panukalang-batas. Ngunit mahirap mangyari ito, ayon sa iba, dahil kailangan ang two third votes ng Senado at ng Kamara. Ayon naman kay Senador Chiz Escudero, kahit mahirap gawin, para sa kapakanan ng mga SSS pensioner ay kanilang susubukan. (CLEMEN BAUTISTA)