IBINASURA na nga ni Pangulong Noynoy Aquino ang P2,000 increase para sa libu-libong SSS pensioners na matagal nang ipinasa ng Senado at Kamara. Malaking tulong na sana ang dagdag-pensiyon sa gastusin ng mga retirado sa kanilang maintenance medicine at bilihin. Kakapusin daw kasi ang pondo ng SSS. Tsk!

Kung naibibigay niya ang bilyun-bilyong pisong PDAF (pork barrel) at DAP sa mga senador at kongresista, eh, bakit pinili niyang huwag ipagkaloob ang P2,000 dagdag sa buwanang pensiyon ng SSS retirees, na kahit papaano ay nakapag-ambag ng kanilang lakas, talino at tulong sa bansa noong kanilang kapanahunan? Pagkakataon na sana ito ni PNoy para mag-iwan ng “legacy” sa mga pensioner sa kanyang pagbaba sa puwesto sa Hunyo. At pogi point din sana sa kandidato niya sa eleksiyon.

***

Walong kampo-militar ang maaaring paglagakan ng kagamitan at pupuwedeng gamitin ng US forces sa Pilipinas matapos ideklara ng Supreme Court na constitutional ang Enhancement Defense Coordination Agreement (EDCA). Sinabi ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla na kabilang sa military installations ang nasa Nueva Ecija, Clark, Palawan, Cebu at Cagayan de Oro.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Malaking tulong sa Pilipinas ang EDCA para sa maritime security at maritime domain awareness, lalo na ngayong patuloy ang China sa agresibong pag-okupa sa mga reef na saklaw ng Exclusive Economic Zone ng ating bansa.

Banggitin natin uli ang obserbasyon ng taumbayan. Nagpupuyos sa galit ang mga militante sa US subalit tikom ang bibig sa pangangamkam ng China sa mga teritoryo natin sa West Philippine Sea. Dahil daw sa EDCA, tiyak na dodominahin uli ng US ang ating soberanya.

Tinatanong ko ang mga kaibigan ko—ang palabiro pero sarkastiko, ang senior jogger at si Tata Berto—kung bakit galit na galit sila kay Uncle Sam ngunit walang dila sa ginagawa ng dambuhalang bansa ni Mao Tse Tung na ngayon ay isa nang imperyalista at ekspansiyonista. Baka raw bayaran o bulag sa paniniwala.

Maging si ex-Parañaque City Rep. Roilo Golez ay tinanong ko sa ganitong attitude ng mga maka-kaliwa at komunistang grupo sa ‘Pinas, at ang tugon niya sa akin: “Basta anything about US at kahit sino ang presidente ng ating bansa, lagi nilang pinagkakabit ito.”

Ulitin natin. Ang Pilipinas ay isang Katolikong bansa. Naniniwala ito sa Diyos. Ang komunismo ay hindi naniniwala sa Diyos (Godless Ideology), kaya kailanman ay hindi mananaig ang ideyolohiyang komunista sa bansa kahit ano man ang gawin nila.

Kaya kayong mga kasapi ng Communist Party of the Philippines at ng New People’s Army (CPP-NPA), tigilan na ninyo ang pakikihamok sa gobyernong Pilipino, please!