DAVAO CITY – Nakakubli sa pusod ng nagtataasang bundok at malawak na burol, maingat na natatakpan ng luntiang kagubatan sa isang barangay na kung tawagin ay Manurigao sa bayan ng New Bataan, ang itinuturing na nakatagong yaman ng Compostela Valley, ang Malumagpak Falls.
Matatagpuan 1,500 meters above sea level at may layong 40 kilometro mula sa kabayanan ng New Bataan, mararating ang Malumagpak Falls sa loob ng anim hanggang pitong oras na matagtag, mahirap, ngunit sulit na sulit na biyahe sa motorsiklo na kilala sa Mindanao bilang “habal-habal”.
Higit pa sa kondisyon ng kalsada na akma lamang sa motocross — kailangan pang ikadena ng mga driver ang hulihang gulong ng mga habal-habal upang hindi pumalya ang takbo sa maalikabok, mabato, at kung minsan ay madulas na bahagi ng paliku-likong kalsada patungo sa Manurigao.
Ngunit pagkatapos ng ilang oras na matagtag at mistulang nakakakalas ng buto na biyahe sa habal-habal, wala namang kapalit ang pabuya ng makapigil-hininga sa gandang tanawin kapag pinagmamasdan na ang napakagandang Malumagpak Falls, habang dinadama ang ginhawa ng mistulang haplos sa balat na ihip ng sariwang hangin at ang paminsan-minsang tilamsik ng tubig mula sa talon.
Ang Malumagpak Falls ay may taas na 230 talampakan at pinag-aaralan ng provincial tourism office ng Compostela Valley upang gawing susunod na tourist destination sa lalawigan.
Isa si Board Member Tyron Uy sa mga lokal na opisyal ng Compostela Valley na bumisita sa Malumagpak Falls nang magtungo siya sa komunidad ng tribung Mandaya sa Manurigao.
Sinabi ng bokal na isa sa magagandang bagay tungkol sa kanyang pagiging lingkod-bayan ang oportunidad na tumuklas ng magagandang tanawin, gaya ng Malumagpak Falls, sa kanyang paglilibot sa kanyang constituents.
Upang ganap na ma-develop ang lugar bilang bagong pambato sa turismo ng Compostela Valley, sinabi ni Uy na makikipagtulungan siya sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaang panglalawigan at mga ahensiya ng gobyerno upang epektibong maisulong ang mga plano at mga programa ng liblib ngunit napakagagandang lugar sa New Bataan.
Kung ganap na made-develop bilang tourism site sa lalawigan, ang Malumagpak Falls ay magkakaloob pagkakakitaan para sa mga residente.
Bukod sa pagbisita sa talon, magkakaroon din ng pagkakataon ang mga turista at mga bisita na maranasan ang kultura at pamumuhay ng tribung Mandaya.
Malugod na tinatanggap ng tribu ang mga panauhin nito sa pag-aalok ng kanilang sariling alak, ang “biya-is”, na gawa sa luyang makikita lamang sa kagubatan at tinatawag nilang “pangla”. Ipinapakita rin nila kung paano sila magluto ng pagkain gamit ang kawayan sa paraan na kung tawagin nila ay “lyurot”.
Inaaliw din ng mga taga-Manurigao ang kanilang panauhin sa malamyos na musikang nagmumula sa tila pluta na instrumento na kung tawagin ng tribu ay “tuwali.”
Sinabi ni Uy na magpupursige ang pamahalaang panglalawigan ng Compostela Valley upang lumikha ng epektibong programang pangturismo na magkakaloob ng isang masaya at hindi malilimutang karanasan para sa mga bibisita sa Manurigao at sa Malumagpak Falls. (ALEXANDER D. LOPEZ)