Laro ngayon
Araneta Coliseum
5 p.m. San Miguel Beer vs. Alaska
San Miguel Beer, lumabo ang tsansang mag-back-to-back.
Wala ang kanilang pangunahing sandata at pambatong sentro na si Junemar Fajardo, sisimulan ng defending champion San Miguel Beer ang pagtatanggol sa kanilang titulo kontra sa koponang tinalo nila noong nakaraang taon, ang Alaska sa pagbubukas ng kanilang best-of-7 finals series para sa 2016 PBA Philippine Cup ngayong hapon.
Ganap na 5:00 ng hapon nakatakda ang Game One sa Araneta Coliseum kung saan dudang lalaro ang 6-foot-9 slotman ng Beermen na siya ring reigning back-to-back MVP ng liga matapos nitong ma-injured noong Game Six ng kanilang best-of-7 semifinals series ng Rain or Shine noong Biyernes ng gabi.
Inilabas sa pamamagitan ng isang stretcher si Fajardo matapos nitong bumagsak sa isang rebound play kung saan tinangka siyang i-box-out ni Rain or Shine forward Jireh Ibanez sa isang rebound play, may 7:22 pang nalalabi sa oras sa third period, lamang pa noon ang Elasto Painters, 52-47.
Sa pinakahuling ulat kahapon habang isinasara ang pahinang ito, posibleng hindi na makalaro si Fajardo sa kabuuan ng Finals series at kung mamalasin ay kahit maging sa Gilas Pilipinas sa darating na Olympic qualifying tournament.
May nakita umanong “partial tear” sa kaliwang tuhod ni Fajardo at kinailangan pa nito ng saklay upang makalakad palabas ng ospital noong Sabado ng gabi.
Nakatakdang malaman kung gaano at hanggang saan ang inabot ng nasabing injury bukas, Lunes, sa ikalawang check-up na gagawin kay Fajardo ng kilalang orthopedic surgeon na si Dr. Raul Canlas.
Gayunman, sa pagkawala ni Fajardo ay nagkaisa ang Beermen na sisikapin nilang mag-step-up upang punan ang napakalaking puwang na naiwan nito.
“Siyempre si June Mar isa sa mga dragon namin ‘yan na inaalagaan.Forty points at double-double lagi at siya `yung dominante. Talagang masasabi nating malaki siyang kawalan,” pahayag ng dating league MVP na si Arwind Santos.
“Pero may tiwala ako sa ibang mga kasama ko. Kung ano man mangyari, we will always step up,” dagdag nito.
Sa panig naman ng Aces, nandiyan man o wala si Fajardo ay pinaghandaan nila ng husto ang muling pagtutuos na ito ng San Miguel para sa kanilang pagbawi sa kabiguang nalasap noong isang taon sa seryeng umabot ng Game Seven.
Ayon kay Aces coach Alex Compton, umaasa siyang hindi bababa sa matagal na pagkabakante ang kanilang intensity sa laro.
“The eagerness to play in the finals is there but I hope the long lay-off won’t change the level of intensity that we showed during the semis,” pahayag ni Compton.
“We are ready to play San Miguel, with or without Junemar,” dagdag pa nito.”Malakas pa rin ang sila kahit wala si Fajardo.” (MARIVIC AWITAN)