NAPAKAHALAGA sa ngayon na ang Commission on Elections (Comelec) ay hindi lamang maging—kundi dapat na magmukhang—nagkakaisa at sama-samang kumikilos sa pagtupad sa mga tungkulin nito para sa paghahalal ng pangulo ngayong taon.
Sa nakalipas na mga araw, mayroong mga ulat ng alitan sa pagitan ng mga opisyal ng Comelec. Ito ay matapos na isumite ni Commissioner Rowena Guanzon sa Korte Suprema ang komento ng Comelec sa petisyon ng kampo ni Senator Grace Poe na pawalang-bisa ang diskuwalipikasyon nito bilang kandidato sa pagkapangulo. Kinuwestiyon ni Chairman Andres Bautista ang ginawa ng komisyuner, na nagsabing hindi inobliga ang Comelec na malagdaan ng lahat ng komisyuner ang komento at mahalagang makatupad sa deadline.
Nitong Martes, nagawa ng Comelec na humarap sa mga mamamahayag upang ihayag na naayos na ang mga hindi pagkakasundu-sundo ng mga opisyal at nagkakaisa sa pagsusulong ng isang matagumpay na eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Ang pangangampanya para sa eleksiyon ay nababatbat ng paligsahan at maraming magkakatunggaling grupong pulitikal ang agad na nagkakaroon ng alitan, gaya rin ng nangyari sa mga opisyal ng Comelec. Sa mga susunod na linggo at buwan ay higit pang sisiklab ang paligsahan sa pagitan ng mga kandidato at kani-kanilang kampo, at kailangang mangibabaw ang Comelec sa kanilang lahat.
Magkakaroon ng demandahan at mga kontra asunto sa paggamit ng mga automated election machine na umano’y hindi ligtas sa pandaraya. Kailangang agad na mapagdesisyunan ang tungkol sa diskuwalipikasyon ni Senator Poe, gayundin ni Mayor Rodrigo Duterte. Sa buong panahon ng kampanya, magsusulputan ang iba’t ibang poll survey, ang ilan ay kaduda-duda kung tunay ba. Makukuwestiyon din ang mga campaign commercial at iba pang anunsiyo. May maggigiit ng paglabag sa iba’t ibang batas sa pangangampanya, gaya ng paggastos sa kampanya, pamimili ng boto, at hayagang pagsasagawa ng karahasan.
Sa lahat ng inaasahang insidente na gaya ng mga ito, ang Comelec ang nakatokang mag-imbestiga at magsagawa ng mga desisyon alinsunod sa batas. Dapat na—at kanilang ipakita—na wala itong pinapanigan sa pulitika. Dapat itong manindigan nang nagkakaisa at tumugon gamit ang iisang boses. Hindi na dapat pang maulit ang palitan ng maaanghang na salita at patutsadahan na nasaksihan ng publiko sa huling kontrobersiyang kinasangkutan ng Comelec.