Itataya ni WBC No. 7 super featherweight contender Eden Sonsona ang kanyang world ranking laban kay dating WBC Youth Intercontinental bantamweight champion Vergel Nebran sa Pebrero 16 sa Mandaluyong Sports Center, Mandaluyong City.

Nagpasiklab si Sonsona sa kanyang huling laban nang palasapin ng unang pagkatalo si Mexican WBC FECORBOX junior lightweight champion Adrian Estrella na pinatulog niya sa 2nd round noong Mayo 16 sa San Miguel Potosi, Mexico para matamo ang bakanteng WBC International Silver super featherweight crown.

Huling natalo noong 2010 si Sonsona, nakatala ring No. 7 sa IBF rankings, nang patulugin siya sa 9th round ni Puerto Rican Jonathan Oquendo sa WBO super bantamweight title eliminator na ginanap sa San Juan, Puerto Rico.

Sa huling 10 laban, nagtala si Sonsona ng 8 panalo at 2 tabla kina ex-RP super flyweight champion Daniel Ferreras at WBO Oriental super bantamweight champion Bernabe Concepcion.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Beterano naman si Nebran ng mga laban sa ibayong dagat kung saan nakaharap niya sa Mexico ang mga dating world champion na sina Tomas Rojas at Christian Mijares gayundin ang sumisikat at walang talong si WBC Intercontinental Silver super bantamweight champion Rey Vargas.

Sa kanyang huling laban sa Estados Unidos, natalo si Nebran sa 1st round knockout kay world rated Jessie Magdaleno noong Oktubre 17, 2015 sa Phoenix, Arizona bagamat overweight ang Mexican-American sa 10-round non-title bout.

(gilbert espeña)