Hindi umubra sa pakikipaghabulan ang tatlong holdaper matapos silang habulin at makorner ng mga alertong pulis na nakatunog na mambibiktima na naman ang mga ito ng pasahero sa Malabon City noong Martes.

Kinilala ni PO3 Rommel Habig, officer-on-case, ang mga naaresto na sina Renato Simo, 38; Alvin Bonbon, 32; at Christopher Malubay, 24, tricycle driver.

Nakorner ng pulisya ang tatlo matapos ang habulan na nagsimula ng Lanzones St. hanggang sa Pinagtipunan St., Barangay Potrero, Malabon, dakong 5:00 ng umaga noong Martes.

Nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct 2 sa Lanzones St. nang mapansin nila ang kahina-hinalang pagkilos ng mga ito sa isang tricycle terminal.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nang sitahin ng mga pulis, kumaripas ang tatlo kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang sa umabot sa Pinagtipunan circle kung saan sila naabutan at naaresto ng awtoridad.

Nabawi kay Simo ang isang caliber 22 magnum revolver na may apat na bala at isang kutsilyo na nagmula kay Bonbon.

Napag-alaman din ng pulisya na nagmamaneho si Malubay ng tricycle ng walang lisensiya. (Fer Taboy)