IKALAWANG Linggo ngayon ng Enero. Sa kalendaryo ng kasalukuyang panahon, ang araw na ito, Enero 10, 2016, sa iniibig nating Pilipinas ay simula na ng election period para sa local at national elections na itinakda sa Mayo 9, 2016.

Saklaw ng pagsisimula nito ang pagpapairal ng gun ban o ang pagbabawal na gumamit ng baril ayon sa utos ng Commssion Elections (Comelec). Ang Philippine National Police (PNP) ay magsasagawa ng check point. Sa pananaw ng marami nating kababayan, lalung-lalo na sa mga political observer, ang election period ay panahon na naman ng image building o pagpapabango ng pangalan, panliligaw at pag-epal ng mga sirkero at payaso sa pulitika kahit ang marami sa kanila ay pangit at parang ipinaglihi sa sama ng loob. Panahon na rin ng plastikan, paglustay ng salapi at pondo ng bayan matupad lamang ang mga ambisyon at pangarap na manalo sa halalan.

Sa mga nakalipas na buwan noong 2015, hindi pa man election period, ang mga sirkero at payaso sa pulitika ay gumastos na ng milyun-milyong piso sa kanilang mga infomercial sa telebisyon at radyo. Nagkalat na rin ang mga tarpaulin ng mga sirkero at payaso sa pulitika sa iba’t ibang bayan at lalawigan. Naroon ang kanilang larawan at pahatid ng kanilang pagbati sa mga nagdaang selebrasyon at iba pang pagdiriwang. Lantay na halimbawa ang pista ng Poong Nazareno sa Quiapo, Maynila.

Noong 2015, ayon report, ang pambato ng Malacañang na si dating Secretary Mar Roxas ay top notcher pagdating sa laki ng kanyang nagastos sa television ads. Umabot ito sa P774.169 milyon. Si VP Binay ng United Nationalist Alliance (UNA) ay gumastos naman ng P695.555 milyon; si Sen. Poe ay gumastos ng P694.603 milyon. Habang si Davao City Mayor Duterte ay P129.599 milyon. Nasapawan nila sa paggastos ang mga kandidato sa presidential election sa America. At sa kabila ng ipinagbabawal na Republic Act 7188, na mas kilala sa tawag na Synchronized Election Law of 1991, ang overspending ay hindi sinusunod at binabalewala ng mga sirkero at payaso sa pulitika.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang election period ay panahon na rin ng pag-uukol ng lahat ng uri ng LAKAS tulad ng lakas ng katawan sa kampanya, lakas-gastos, lakas-loob, lakas-bibig-bunganga, lakas-mambola at lakas mang-uto.

Sa kabila nito, tuwing election period ay marami rin naman ang natutuwa at nagpapasalamat dahil napapatalsik sa tungkulin ang mga sirkero at payaso sa pulitika na parusa sa bayan. At ayon nga kay Francisco Balagtas sa kanyang “Florante at Laura” ay mga PINUNONG MARIING HAMPAS NG LANGIT SA BAYAN. (CLEMEN BAUTISTA)