Sugatan ang isang mag-live-in partner matapos saksakin ng binatang lasing na nag-amok at nagpaputok ng baril sa Malabon City, nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Jofil Siwala, 30, security guard; at Meliza Dosdos, 32, kapwa residente ng Sitio 6, Barangay Catmon, ng nasabing lungsod.

Si Siwala ay nagtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang si Dosdos ay nasaksak sa kaliwang dibdib.

Kaagad namang nadakip ang suspek na si Gerry Valdez, 37, kapitbahay ng mga biktima.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ayon kay PO3 Benedicto Zapra, dakong 4:45 ng hapon noong Linggo nang magpaputok ng baril ang suspek sa labas ng kanilang bahay.

Lumabas si Siwala at sinaway si Valdez pero hindi ito nakinig hanggang sa tangkaing agawin nang una ang baril na hawak ng suspek.

Tumilapon ang .38 caliber revolver subalit hindi batid ni Siwala na may dalang screwdriver ang suspek at pinagsasaksak siya nito sa katawan.

Nakita ni Dosdos ang pangyayari kaya nilapitan nito ang kinakasama pero siya naman ang pinagbalingang saksakin ni Valdez. 

Patakas na sana ang suspek pero nakorner ito ng mga tauhan ng Police Community Precinct-9 ng Malabon Police na hiningan ng tulong ng mga residente. 

Mga kasong illegal possession of firearms and ammunition, deadly weapon at two counts of frustrated homicide ang kinakaharap ng suspek, ayon sa pulisya. (Orly L. Barcala)